Sabado, Oktubre 9, 2010

nagsimula na kahapon ang pagbabago

'this could be the real change that the Philippines has been waiting for!"

hindi ako ang nagsabi niyan... si juana change.

ang saya sa luneta kahapon. parang fiesta. kitang-kita ang ngiti sa mga labi ng mahigit 500k na mga taong pumunta dun. bakit kaya? siguro dahil na din kasi ito yung unang araw na hindi na natin presidente yung dating presidente. yan pa lang e malaking pagbabago na. para tuloy tayung nabunutan ng malaking tinik. siyam na taon. katumbas ng buhay ng pusa na parang walang katapusan. pero natapos na din sa wakas. ang sarap ng feeling nun bumababa na siya ng hagdan ng palasyo (buti na lang walang tumulak sa kanya). sing-init ng panahon yung lamig ng ulo ng mga tao dun sa grandstand. pakiramdam ko, dinig na dinig ng buong mundo yung sigawan ng mga taong biglang nakaramdam ng pagiging makabayan dahil bukod sa posible na nilang maranasan ang tuwid na landas na dadaanan ni P. noy... e wala ding pasok all levelsss!!! i feel good!!! tentenenenenenennn...:P saya!

pagkatapos ni tita cory nung 1992, parang bumalik lang ang Pilipinas sa dati niyang sitwasyon... bayang nawawala sa sarili. nawalan ulit tayo ng bait. nawalan ng direksiyon. nawalan ng gana. pero pagkatapos ng halos dalawang dekada, parang gumaling na tayo mula sa pinagdaanang napakahabang gamutan. nakahugot uli ng dating lakas. ang gaan ng pakiramdam. dahil sa sobrang pagbagsak na ng morale ng bayan hanggang sa pinakamababang kalagayan nito e dumating na siguro yung pagkakataong parang wala na tayong pagpipilian kundi umangat-angat naman kahit papano. dun sa lebel na sa tingin ko e deserved lang naman talaga natin kahit noon pa. at kung hindi ako magkakamali, mukhang kahapon na yun nagsimula.

tingin ko, bawat pagpapalit ng gobyerno e merong kasamang di maipaliwanag na bagong pag-asa para sa mga pagod na nitong mamamayan. kaya lang, sa dami na ng administrasyong nagdaan e mukhang naging paulit-ulit lang naman ang naging resulta. mga dapat tuparin na napako na lang. pero sana ngayon, sa tulong na din ng Diyos at sa makapangyarihang pag-asang ito, puwede na sigurong muling itayo ng nalumpong bayan ang kanyang sarili at dignidad na natira. pero tiyak na kasama ng pagbangon na yan e ang marami ring mga inaasahan sa bagong upong lider. nakatutok sa kanya ang bawat anggulo ng kamera. at alam naman tiyak yan ni P. noy. lalo na't marami naman na siguro siyang natutunan kay Ninoy at Cory. kaya andami niyang ipinangako sa loob ng susunod na anim na taon.

punung-puno ng pag-asa ang talumpati kahapon ng bagong pangulo. sandaling tumigil nga ang mundo ko at napanganga dahil dito( habang ngumangata ng mani). kaya't sana maging inspirasyon ito sa mga Pilipinong nakundisyon nang wag na lang umasa sa mga pangako ng gobyerno. nakasanayan na kasi nilang palagi na lang itong palpak. parang di na natuto. sabagay, siguro dahil iniisip na din nilang hindi naman kaya ng pamahalaan na labanan ang kahirapan ng overnight lang. kaya sila na lang ang gagawa ng paraan para maka-survive. kaya di mu sila masisisi kung mawalan man sila ng tiwala sa pamahalaan. sa totoo lang, maraming Pilipino (tulad ko) e nabuhay na ng matagal na panahon na para bang di naman nag-eexist ang gobyerno. sa tindi ba naman ng corruption sa BIR pa lang, panu ka pa ba niyan magtitiwala? mamamanhid at magtatakip ka na lang palagi tuloy ng tenga. tsk.

pero hindi naman superhero ang pangulo para kayanin yang lahat nang mag-isa. dahil kung magkaganun, magiging 1:100million ang laban niya para sa pagbabago. para lang siya nung maglilimas ng tubig sa dagat. madaling gawin pero tiyak na hindi matatapos. walang patutunguhan. at kung hindi man siya maimpeach dahil diyan, lilipas lang ang kanyang administrasyon ng panahon lang ang umusad, hindi ang bayan. wala din tayong narating.

para sakin, ang Pangulo ay "ulo" lang ng buong isang tao na maikukumpara naman sa isang bansa. o sige na nga... siya na din ang utak. pero hanggang dun na lang siya. dahil kahit anong okey ng ulo at taba ng utak e hinding-hindi pa rin siya makakakilos kung walang silbi yung ibang bahagi ng buong katawan niya. kaya dapat lahat ay may kanya-kanyang papel na gagampanan! dahil kahit saang lupalop ka man ng arkipelago nakatayo e dapat may pakinabang ka! maliban na lang kung para ka lang libag o malubhang sakit kaya na dapat lang na palagiang mawala sa maayos dapat na sistema.

sa pagtatapos ng dating rehimen, magsisimula na naman ang panibagong kabanata ng kasaysayan ng ating bansa. at aminado akong hindi ko man binoto si P. noy, sa tingin ko e "pampulitikang panahon" lang naman yung nagdaang halalan. dahil sa ngayon e dapat lang na tayong magkaisa para maibalik yung nawalang demokrasya. at dapat e maging responsibilidad din natin yun sa ating mga sarili. yun bang tunay na kabuluhan ng "people power". na taumbayan lang ang makakagawa. ayaw ko sana ngayung magtonong aktibista pero sigurado akong sa paglipas muli ng susunod na anim na taon, hindi lang ang presidente ang huhusgahan ang performance. dahil nakadepende sa mga alaga kung gaanu kagaling ang kanilang pastol. at bukod sa watawat ng Pilipinas, ang pangulo ay parang mukha lang ng bansa... at 100milyon ang bumubuo ng iisang katawan lang nito. at kahit pa isipin mong butal ka lang sa bilang na yan o kuko ka lang sa katawan niya, hinding-hindi mo puwedeng talikuran ang magagawa mo para sa kanya kung merun man at kung anuman yun.

bow.


1 komento:

  1. Maligayang pagbati po! Umaasa po ako na maghahatid sa inyo ng tuwa ang aking pag-kabit (link) ng inyong sapot-lugar (web site), kasama ang lahat ng kasali sa Saranggola Dos, sa aking 2Rivers
    na kung saan lahat kayo ay malugod na inaanyayahan. Maaari din po ninyong ikabit ang inyong sapot-lugar sa MukhaLibro Pader (Facebook Wall) ng inyong likod. Tara, tena! Sumasainyo ang Pwersa at mabuhay ang panitikang Pilipino! Lubos na gumagalang, Jonathan Aquino

    TumugonI-delete