Sabado, Oktubre 9, 2010

kalikasan: salamin ng wagas na pag-ibig

si inang kalikasan
ang mga ngiti ko'y ang sikat ng araw
na siyang magbibigay liwanag
sa iyong mundong ginagalawan
mga mata ko naman ay ang ulap
na sa tuwing lumuluha ay nagbibigay ng ulan.

ang mga tubig na malinis ang aking dugo
na pumapatid ng iyong uhaw
mga puno naman ang nagsisilbi kong mga bisig
na naging paborito mong kanlungan sa dapithapon.

kasama mo ang mga bulaklak at halaman
na ituturing mong tunay na kaibigan
hindi man palaging nandiyan
ay sisiguraduhing di ka naman iiwan.

sa paglipad ng mga ibon ay puwede kang sumama
at maglakbay sa kung saan-saan
para makita mo ang di maipaliwanag na yaman
ng kalikasang dapat mong ingatan.

dinadala sa iyo ng mga hamog sa umaga
ang matatamis kong halik,
na magpapagaan ng buo mong maghapon.
samantalang ang dalampasigan naman
ang nagiging takbuhan
sa mga panahong gusto mong umiyak...
at mapag-isa.

ang hangin na siya kong hininga
ay yayakap lagi sa buo mong pagkatao
para maramdaman mo ang pagmamahal
na tanging Diyos lang ang may likha.

ngunit...

ang mundo ay sugatan ko nang katawan
na ngayo'y napapabayaan mo na
kaya sa pagdaan pa ng mga araw,
magigising ka na lang na ako'y wala na.








hanggang mawala ang mga tala

hindi mo na siguro naaalala
kung paano Kong pinag-isipang likhain
ang mga likas na yamang
sa'yo Ko rin naman ipinagkatiwala.

hindi mo na ba nagugunita?
kung gaano kaganda
ang pagsikat ng araw sa silangan
at kung paanong lulubog naman ito sa kanluran.

wala na siguro sa iyong isip
kung ilang beses ka nang nagtampisaw
sa ilog kasama ang barkada
o kaya'y namimingwit ng mga isda
sa karagatang halos di nauubusan ng laman.

nakalimutan mo na yata
kung paano mong nakaulayaw
ang mga bulaklak at halaman
habang nakaupo sa lilim ng malagong puno
at pinagmamasdan ang paglipad
ng mga malalayang ibon sa parang.

tila nakaligtaan mo na rin
kung paanong yumakap sa iyo
ang malamig na simoy ng hangin
kasama na ang mga gabing madilim
na nagbigay ng kapayapaan at pahinga
sa mga kaluluwang minsa'y tila walang mapuntahan.

kaya pinilit Kong lahat ng ito'y maipaalala
sa pamamagitan ng malakas na ulan
na simbolo ng walang tigil Kong pagluha
ngunit nabalewala mo pa rin,
at patuloy na nga akong kinalimutan.

kaya marahil...
sa muling pagbuhos ng ulan
ay magigising ka na sa ingay nito
at pipiliting bumangon
bilang tanda ng pagbawi sa mga nawala.

pero hanggang kailan ito magtatagal?
at hanggang kailan ka makakalimot?
siguro...
hanggang mawala ang mga tala.






kung mura lang ang pamasahe papunta sa buwan

kung mura lang ang pamasahe papunta sa buwan
gusto ko sanang dalhin kita agad doon
kahit matagal pa ang biyahe
maiwan lang natin ang mundong ito.

doon natin palilipasin ang matatamis na sandali
na makasama ka kahit lamang sandali
kahit saan at gaano man kalayo
maiwan lang natin ang mundong ito.

dahil...

ang mundong itong pinangarap ko para sa'ting dalawa
ay tila naging isang bangungot
nababalot na ng laganap na kasamaan
at ng mga taong sobrang gahaman.

hindi ko siya kayang tingnan sa ngayon
kaya gusto kong samahan mo ako doon
sa malayong lugar na hindi muna makikita
ang pait na dulot ng kanyang pagkasira.

pero sa ngayon ay dito muna tayo
magkahawak-kamay sa dalampasigan
na naging kanlungan na natin ng matagal na panahon
sabay na aamining maganda pa rin naman itong mundo
kung saan tayo parehong nagsimula.

kung mura lang ang pamasahe papunta sa buwan
pupunta tayo agad doon
ngunit hindi na rin naman magtatagal
dahil kailangan tayo ng mundo.


                            







   

nagsimula na kahapon ang pagbabago

'this could be the real change that the Philippines has been waiting for!"

hindi ako ang nagsabi niyan... si juana change.

ang saya sa luneta kahapon. parang fiesta. kitang-kita ang ngiti sa mga labi ng mahigit 500k na mga taong pumunta dun. bakit kaya? siguro dahil na din kasi ito yung unang araw na hindi na natin presidente yung dating presidente. yan pa lang e malaking pagbabago na. para tuloy tayung nabunutan ng malaking tinik. siyam na taon. katumbas ng buhay ng pusa na parang walang katapusan. pero natapos na din sa wakas. ang sarap ng feeling nun bumababa na siya ng hagdan ng palasyo (buti na lang walang tumulak sa kanya). sing-init ng panahon yung lamig ng ulo ng mga tao dun sa grandstand. pakiramdam ko, dinig na dinig ng buong mundo yung sigawan ng mga taong biglang nakaramdam ng pagiging makabayan dahil bukod sa posible na nilang maranasan ang tuwid na landas na dadaanan ni P. noy... e wala ding pasok all levelsss!!! i feel good!!! tentenenenenenennn...:P saya!

pagkatapos ni tita cory nung 1992, parang bumalik lang ang Pilipinas sa dati niyang sitwasyon... bayang nawawala sa sarili. nawalan ulit tayo ng bait. nawalan ng direksiyon. nawalan ng gana. pero pagkatapos ng halos dalawang dekada, parang gumaling na tayo mula sa pinagdaanang napakahabang gamutan. nakahugot uli ng dating lakas. ang gaan ng pakiramdam. dahil sa sobrang pagbagsak na ng morale ng bayan hanggang sa pinakamababang kalagayan nito e dumating na siguro yung pagkakataong parang wala na tayong pagpipilian kundi umangat-angat naman kahit papano. dun sa lebel na sa tingin ko e deserved lang naman talaga natin kahit noon pa. at kung hindi ako magkakamali, mukhang kahapon na yun nagsimula.

tingin ko, bawat pagpapalit ng gobyerno e merong kasamang di maipaliwanag na bagong pag-asa para sa mga pagod na nitong mamamayan. kaya lang, sa dami na ng administrasyong nagdaan e mukhang naging paulit-ulit lang naman ang naging resulta. mga dapat tuparin na napako na lang. pero sana ngayon, sa tulong na din ng Diyos at sa makapangyarihang pag-asang ito, puwede na sigurong muling itayo ng nalumpong bayan ang kanyang sarili at dignidad na natira. pero tiyak na kasama ng pagbangon na yan e ang marami ring mga inaasahan sa bagong upong lider. nakatutok sa kanya ang bawat anggulo ng kamera. at alam naman tiyak yan ni P. noy. lalo na't marami naman na siguro siyang natutunan kay Ninoy at Cory. kaya andami niyang ipinangako sa loob ng susunod na anim na taon.

punung-puno ng pag-asa ang talumpati kahapon ng bagong pangulo. sandaling tumigil nga ang mundo ko at napanganga dahil dito( habang ngumangata ng mani). kaya't sana maging inspirasyon ito sa mga Pilipinong nakundisyon nang wag na lang umasa sa mga pangako ng gobyerno. nakasanayan na kasi nilang palagi na lang itong palpak. parang di na natuto. sabagay, siguro dahil iniisip na din nilang hindi naman kaya ng pamahalaan na labanan ang kahirapan ng overnight lang. kaya sila na lang ang gagawa ng paraan para maka-survive. kaya di mu sila masisisi kung mawalan man sila ng tiwala sa pamahalaan. sa totoo lang, maraming Pilipino (tulad ko) e nabuhay na ng matagal na panahon na para bang di naman nag-eexist ang gobyerno. sa tindi ba naman ng corruption sa BIR pa lang, panu ka pa ba niyan magtitiwala? mamamanhid at magtatakip ka na lang palagi tuloy ng tenga. tsk.

pero hindi naman superhero ang pangulo para kayanin yang lahat nang mag-isa. dahil kung magkaganun, magiging 1:100million ang laban niya para sa pagbabago. para lang siya nung maglilimas ng tubig sa dagat. madaling gawin pero tiyak na hindi matatapos. walang patutunguhan. at kung hindi man siya maimpeach dahil diyan, lilipas lang ang kanyang administrasyon ng panahon lang ang umusad, hindi ang bayan. wala din tayong narating.

para sakin, ang Pangulo ay "ulo" lang ng buong isang tao na maikukumpara naman sa isang bansa. o sige na nga... siya na din ang utak. pero hanggang dun na lang siya. dahil kahit anong okey ng ulo at taba ng utak e hinding-hindi pa rin siya makakakilos kung walang silbi yung ibang bahagi ng buong katawan niya. kaya dapat lahat ay may kanya-kanyang papel na gagampanan! dahil kahit saang lupalop ka man ng arkipelago nakatayo e dapat may pakinabang ka! maliban na lang kung para ka lang libag o malubhang sakit kaya na dapat lang na palagiang mawala sa maayos dapat na sistema.

sa pagtatapos ng dating rehimen, magsisimula na naman ang panibagong kabanata ng kasaysayan ng ating bansa. at aminado akong hindi ko man binoto si P. noy, sa tingin ko e "pampulitikang panahon" lang naman yung nagdaang halalan. dahil sa ngayon e dapat lang na tayong magkaisa para maibalik yung nawalang demokrasya. at dapat e maging responsibilidad din natin yun sa ating mga sarili. yun bang tunay na kabuluhan ng "people power". na taumbayan lang ang makakagawa. ayaw ko sana ngayung magtonong aktibista pero sigurado akong sa paglipas muli ng susunod na anim na taon, hindi lang ang presidente ang huhusgahan ang performance. dahil nakadepende sa mga alaga kung gaanu kagaling ang kanilang pastol. at bukod sa watawat ng Pilipinas, ang pangulo ay parang mukha lang ng bansa... at 100milyon ang bumubuo ng iisang katawan lang nito. at kahit pa isipin mong butal ka lang sa bilang na yan o kuko ka lang sa katawan niya, hinding-hindi mo puwedeng talikuran ang magagawa mo para sa kanya kung merun man at kung anuman yun.

bow.


payong

official entry: SBA -  Maikling Kwento



maraming mga simbolo ng pananampalataya ang karaniwan na nating ginagamit para ipakita ang matapat na pananalig nating mga Kristiano sa nag-iisa nating Diyos. Bibliya, litrato, rebulto, langis, insenso, kandila, christian songs, paintings, mga damit na may nakasulat na bible verse, malakas na panalangin, speaking in tounges at kung anu-ano pa. sa pamamagitan ng mga ito ay naipapahayag natin ang wagas na paniniwala sa Dakilang Lumikha.

minsan, sa isang malayung-malayong lugar ay merong isang baryo na nakakaranas ng matinding tagtuyot. nakasira tuloy ito ng kanilang mga pananim. mistula silang napailalim sa isang sumpa.

kaya isang araw, nakaisip ang spiritual leader ng baryo na magpatawag ng isang malaking prayer rally para sa isang matinding pangangailangan ng malakas na ulan. kaya nagpadala siya sa mga tao ng kanilang maiisip na simbolo ng pananalig. Bibliya, litrato, rebulto, langis, insenso, kandila, christian songs, paintings, mga damit na may nakasulat na bible verse, malakas na panalangin, speaking in tounges at kung anu-ano pa.

maya-maya, biglang nagdilim ang paligid. umihip ang malakas na hangin. at sa isang iglap ay bumuhos ang napakalakas na ulan.tuwang-tuwa ang lahat. dahil sinagot na ng Diyos ang kanilang panalangin.

ngunit...sa kalagitnaan ng lahat, may napansin silang isang batang mayroong kakaibang dala. at wala ni isa man sa kanila ang nagdala ng ganitong bagay bilang simbolo ng kanilang pananalig. takang-taka silang napatingin dito. dahil ang dinala ng bata ay walang iba kundi...PAYONG.