Sabado, Oktubre 9, 2010

kalikasan: salamin ng wagas na pag-ibig

si inang kalikasan
ang mga ngiti ko'y ang sikat ng araw
na siyang magbibigay liwanag
sa iyong mundong ginagalawan
mga mata ko naman ay ang ulap
na sa tuwing lumuluha ay nagbibigay ng ulan.

ang mga tubig na malinis ang aking dugo
na pumapatid ng iyong uhaw
mga puno naman ang nagsisilbi kong mga bisig
na naging paborito mong kanlungan sa dapithapon.

kasama mo ang mga bulaklak at halaman
na ituturing mong tunay na kaibigan
hindi man palaging nandiyan
ay sisiguraduhing di ka naman iiwan.

sa paglipad ng mga ibon ay puwede kang sumama
at maglakbay sa kung saan-saan
para makita mo ang di maipaliwanag na yaman
ng kalikasang dapat mong ingatan.

dinadala sa iyo ng mga hamog sa umaga
ang matatamis kong halik,
na magpapagaan ng buo mong maghapon.
samantalang ang dalampasigan naman
ang nagiging takbuhan
sa mga panahong gusto mong umiyak...
at mapag-isa.

ang hangin na siya kong hininga
ay yayakap lagi sa buo mong pagkatao
para maramdaman mo ang pagmamahal
na tanging Diyos lang ang may likha.

ngunit...

ang mundo ay sugatan ko nang katawan
na ngayo'y napapabayaan mo na
kaya sa pagdaan pa ng mga araw,
magigising ka na lang na ako'y wala na.








hanggang mawala ang mga tala

hindi mo na siguro naaalala
kung paano Kong pinag-isipang likhain
ang mga likas na yamang
sa'yo Ko rin naman ipinagkatiwala.

hindi mo na ba nagugunita?
kung gaano kaganda
ang pagsikat ng araw sa silangan
at kung paanong lulubog naman ito sa kanluran.

wala na siguro sa iyong isip
kung ilang beses ka nang nagtampisaw
sa ilog kasama ang barkada
o kaya'y namimingwit ng mga isda
sa karagatang halos di nauubusan ng laman.

nakalimutan mo na yata
kung paano mong nakaulayaw
ang mga bulaklak at halaman
habang nakaupo sa lilim ng malagong puno
at pinagmamasdan ang paglipad
ng mga malalayang ibon sa parang.

tila nakaligtaan mo na rin
kung paanong yumakap sa iyo
ang malamig na simoy ng hangin
kasama na ang mga gabing madilim
na nagbigay ng kapayapaan at pahinga
sa mga kaluluwang minsa'y tila walang mapuntahan.

kaya pinilit Kong lahat ng ito'y maipaalala
sa pamamagitan ng malakas na ulan
na simbolo ng walang tigil Kong pagluha
ngunit nabalewala mo pa rin,
at patuloy na nga akong kinalimutan.

kaya marahil...
sa muling pagbuhos ng ulan
ay magigising ka na sa ingay nito
at pipiliting bumangon
bilang tanda ng pagbawi sa mga nawala.

pero hanggang kailan ito magtatagal?
at hanggang kailan ka makakalimot?
siguro...
hanggang mawala ang mga tala.






kung mura lang ang pamasahe papunta sa buwan

kung mura lang ang pamasahe papunta sa buwan
gusto ko sanang dalhin kita agad doon
kahit matagal pa ang biyahe
maiwan lang natin ang mundong ito.

doon natin palilipasin ang matatamis na sandali
na makasama ka kahit lamang sandali
kahit saan at gaano man kalayo
maiwan lang natin ang mundong ito.

dahil...

ang mundong itong pinangarap ko para sa'ting dalawa
ay tila naging isang bangungot
nababalot na ng laganap na kasamaan
at ng mga taong sobrang gahaman.

hindi ko siya kayang tingnan sa ngayon
kaya gusto kong samahan mo ako doon
sa malayong lugar na hindi muna makikita
ang pait na dulot ng kanyang pagkasira.

pero sa ngayon ay dito muna tayo
magkahawak-kamay sa dalampasigan
na naging kanlungan na natin ng matagal na panahon
sabay na aamining maganda pa rin naman itong mundo
kung saan tayo parehong nagsimula.

kung mura lang ang pamasahe papunta sa buwan
pupunta tayo agad doon
ngunit hindi na rin naman magtatagal
dahil kailangan tayo ng mundo.


                            







   

3 komento:

  1. napakaganda ng tula, mapang hamon, gusto ko ang pangalawa, pero mas kaakit akit ang mga larawan dito.

    ganda.

    TumugonI-delete
  2. salamat po sa matiyagang pagbabasa:) at sa pag-appreciate:) napulot ko lang po kung saan ang mga larawan na yan at di ku na maalala kung saan-saan:)

    TumugonI-delete
  3. kuya add mo ko sa fb:) andun lahat ng notes ko. bago lang kasi ako dito sa blogger e:)
    ryanjaytriumfo@yahoo.com
    salamat:) keep on writing:)

    TumugonI-delete